Tuesday, September 1, 2009

Tungkol sa Panahon

Mayroon akong ipagtatapat sa iyo.


Hayaan mong simulan ko ang lahat sa salitang kamatayan.

Waring senyal sa paparating na paghuhukom at kawakasan

ang alimuom na dulot ng unang ulan ngayong tag-araw.


Gusto kong malaman mo na ramdam na ang papalapit na panahon

na mauupos ang apoy sa dibdib ng ama ng aking ama.

Hindi ito inaasahan, ngunit tulad sa pabugso-bugso

at biglaang mga pag-ulan, hindi na rin ito maiiwasan.


Madalas ko siyang pinagmamasdan ngayon sa kaniyang kama,

habang sa bintana, ang init ng kalsada ay unti-unting napapawi

dahil sa tubig-ulan -- kaalinsabay sa paglamlam ng ningas

sa kaniyang kaloob-looban.


Ang dating maliliksing bisig at binti na gamit pa

sa pagbibisikleta tuwing umaga upang bumili ng pan de sal

sa hindi kalayuang panaderya ay lipas na.

Mahirap na nga kahit ang simpleng paghawak

lamang sa sariling tinidor at kutsara.


Madalas, pikit-mata na siya. Walang lakas,

kahit sa boses na dating gamit sa mga pangaral at paghiyaw

kapag ang paborito niyang koponan sa basketbol ay nalalamangan—

ngayon, bulong na lamang nang pagsuko ang mapakikinggan.


Rinig ang mahihinang patak ng ambon sa aming bubungan

ngayong gabi. Baka bukas makalawa, patak na ng luha

ang dito ay mangingibabaw.

0 comments:

Post a Comment