Maalinsangan. Panay ang punas ko sa tumutulong pawis sa gilid ng aking mukha, at ang mga kapwa ko sakay ng jeep ay nagrereklamo na sa sobrang init. Pilit pinapaypayan ng isang ina ang kaniyang bitbit-bitbit na sanggol. Walang tigil sa pag-inom ng mineral water ang isang estudyante habang ang katabi niyang nakapang-opisinang bihis ay hindi na mapakali. Nagdidilim ang kalangitan at namumuo ang ulap noong aking natanaw. "Marahil uulan kaya maalinsangan," ang bulong ko sarili. Maya-maya ay umambon-ambon na nga, at noong malaon ay unti-unti nang bumuhos ang malalaking patak ng ulan. Dali-daling naglabas ng payong ang mga tao, sa loob at labas ng aking sinasakyan. Halos mawala ang mga ito sa paligid upang maghanap ng masisilungan. Mga batang lansangan ang karamihan sa mga naiwan, naglalaro at naliligo sa tubig-ulan. Napahinto ang jeep sa hudyat ng stoplight. May isang bata na sumampa sa estribo, pumasok at nanghingi sa amin ng barya, kapalit sa pagpupunas ng aming mga sapatos. Sa labas, tanaw ko ang kahirapan sa lungsod.
ang musmos sa lansangan,
uhaw sa limos.
0 comments:
Post a Comment