Tuesday, September 1, 2009

Sa Isang Buntong Hininga

Pagtapos ng isang buntong hininga,

nagbago bigla ang bihis ng aming bahay.


Ang dating puno ng saya, ngayon,

puno ng dalamhati – apaw sa dami

ang nakikiramay. Puro bulaklak

ng patay ang dating hardin

ng mga buhay.


Itim ang pangunahing kulay

at nakakasilaw ang dami ng ilaw

sa bawat mesa, sa bawat lona.


Sopas, biskwit, mamon, juice,

at kape ang makikita sa bawat tabi.


Sa panahong ganito, hindi lang sa gabi

bawal magwalis. Kundi araw-araw,

kailangan magtiis sa dumi at kalat

pati sa pagpapagod at pagpupuyat.


Ang ilang dekada ng pag-iral

ay ilang araw lamang ipinagdiriwang

at binabalikan.


Paulit-ulit ang maririnig na litanya.

Nakikiramay kami, paano kaya kung

nabubuhay pa siya.


Lahat ay natutuwa sa pagbalik at pag-alala

sa nakalipas. Ngunit dapat naming tandaan

na imposibleng bumalik ang nakaraan.


Pagtapos ng isang buntong hininga,

nagbago bigla ang aming mga buhay.

0 comments:

Post a Comment