Kung mamarapatin mo, hihiramin ko muna ang iyong panaginip.
Sisilipin ko lamang sa sandaling ito ang lahat ng iyong mga iniisip-isip.
Nais ko malaman kung maaari kaya--sa paglalakbay mo habang
mabigat na nakasara ang talukap ng iyong mga mata--maaari kaya,
na aking makita ang mga hinahanap-hanap kong kasagutan
sa mga nadaramang kutob at kaba? Gusto ko halughugin
ang bawat sulok ng iyong mga pangarap at pangamba
upang tingnan kung makikita ko ang aking sarili, nakatayo
at kinakausap kita, sinasabi ang mga kataga na hindi masabi
sa tuwing kaharap kitang talaga. O di kaya, maging saksi ako
sa mga naitatago mong lihim at sikreto. Huwag ka mag-alala,
iingatan ko ito, tulad sa pag-iingat ng mga magulang
sa kanilang bagong silang na sanggol. Iingatan ko
ang mga ito na para bang sariling akin. Aking iingatan,
kahit sa pansariling kapusukan. Huwag ka mag-alala
hindi ko pipiliting buksan ang aking mga mata
kung hindi ito ang aking makita. Sa halip ay aantayin ko
ang sariling magising, matapos nang kusa ang pag-alon
ng iyong mga gunita.