Monday, August 31, 2009

Sa Nanatili*

Buwan lamang

ang hindi nang-iiwan.


Iyan ang palagian mong sinasabi

sa akin, sa mga pagkakataong

nag-uusap tayo tungkol

sa pag-ibig,

sa relasyon --

sa mga nakaraang

kasawian at kabiguan.


Doon ko natuklasan

kung gaano kahalaga sa iyo

ang mga bagay na lumalagi

at hindi agarang lumilisan.


Tulad sa marikit na waring

bilog na biskwit sa langit

kapag gabi --

kung minsan, buong-buo

na tinatanglawan

ang sanlibutan. Ngunit mayroong

pagkakataon din naman

na malamlam at mistula

itong kinagatan.


Sabi mo pa, lumilisan man,

panandalian lamang,

at agad na bumabalik, kinabukasan.


Isang kahibangan,

marahil, para sa karamihan,

ang malaman na may mga gabi

na tumitingala ka lang sa kalangitan

at ibinubuhos ang lahat

ng iyong nararamdaman.


Lalo pa kung galit,

sambit mo.

Lalo pa kung poot,

mas lalo kung masamang karanasan.


Gusto kong sabihin sa iyo,

na kasing bagal ng iyong paglimot

sa mga lipas na pag-ibig

ang pagdaan ng maninipis na ulap,

silang marahang tumatakip at bumabalot

sa paborito mong kumpisalan.


Pero hindi ko iyon binanggit,

at sa halip,

nagwika na lang ako

na ang mga problema mo

ang siyang nagpaparami

sa mga butas ng buwan,

na ang litanya ng kasawian mo

ay sampal sa kaniyang kariktan.


Napangiti ka lang at napatawa

nang kaunti. At sa sandaling iyon,

ang iyong mukha ang buwan

na nagbibigay ng liwanag.


Sa di kalayuan,

may makata na natanglawan.


*kay K, kaibigan kong inaangkin ang buwan.

Lasing

Hindi ka lasing, sabi mo,

pero hahawak-hawak ka

sa iyong ulo. Nagrereklamo ka pa,

habang inaalalayan kita papasok

ng bahay dahil pagewang-

gewang na ang lakad mo.

Taob ang ilang bote ng pulang kabayo

sa iyo. Madaldal ka pa, sabi mo sa akin:

No match. Hindi ako babaeng

madaling malasing. Putang ina ka,

mahal kita, pero pagmamay-ari ka ng iba.

Napangiti lang ako, at napanganga

habang pinagmamasdan kita

at ang mamula-mula mong pisngi,

ang buhok mong kakulay ng gabi

na walang bituwin, purong itim,

at ang kurba ng iyong katawan

na kitang-kita sa hapit mong damit.

Napaisip tuloy ako, na akin ka

sa gabing ito. Na sa gabi lang

na ito, magkakasala tayo. Pero

hindi maaari, dahil lasing ka,

at di mo alam ang pinagsasabi mo.

Ang pantasya kong ito ay nabulahaw

dahil buong giting kang sumigaw

na hindi nga ako lasing!

At may kadugtong pang mahal kita,

sana hindi ka sa kaniya.

Hindi tiyak kung ano

ang dapat kong gawin,

kung maniniwala ba sa iyo

kahit na lasing ka o kahit

sabihin mo na

may tama ka lang.

Marahil,

tinamaan ka nga.

Sipol

I.

Hindi pang-eenganyo ng engkanto

o maligno, ng dwende o kapre,

ang pagsipol ko tuwing gabi.

Nais ko lamang kasi

makita ang pagsayaw

ng mga tangkay at dahon

at maging ang paghuni

ng hanging minsan ay waring

galit na sumisigaw

o di kaya'y marahan

na nangangamusta sa akin

na nangangailangan ng pansin.

Indayog ang kanilang tugon

sa aking sipol.

Hindi tulad, halimbawa,

ng mga tambay

sa tindihan na nag-iinuman

at sumisipol sa bawat

babae na nagdaraan.

Sangkatutak na kantiyawan –

pero hindi ko alam kung nais

din nilang sumayaw

ang mga dalagang dumadaan

o dahil lang ito sa kalasingan.


II.

Kahapon, sa aking pag-iisa,

bumili ako ng malamig

na malamig na serbesa

at nag-inom sa labas,

sa aming munting hardin.

At dahil nga matakaw sa pansin,

ako'y sumipol ng malakas

upang sana'y hamunin

ang mga puno at halaman;

upang sana'y humangin.

Subalit iba ang nagpakita

sa akin. Isang dambuhalang

nilalang na may tabako

at tila maliliit pa sa unano

na mukhang tao at tumatalon-

talon sa galak at nakangiti.

Alam kong hindi ito guni-guni.

Tanging nasambit ko tuloy

sa gulat na rin siguro

ay putang ina ninyo

lasing na ako.

Opel*

Ang paggunita sa iyo,

ay pagtingin

sa kalangitan kapag gabi.

Kahilera ng nangingibabaw

na buwan, isa kang bituwin –

minsa'y kumukurap,

kalimita'y nilalamon ng dilim.


Labing pitong taon na

buhat nang tinawag ka ng lupa.

Ang nakatukod na larawan na lang

ng pag-ihip ko sa kandila ng keyk

ng aking ikalawa at huling kaarawan

na kasama ka;

iyong nasa ibabaw

ng telebisyon ko sa kuwarto,

ang iilang iniwan mo sa akin.


Hindi ko alam kung mahihiya sa iyo

sapagkat hindi naman tayo nagkasama,

hindi tayo lubos na nagkakilala.


Ngunit hindi sumusuot

sa isip ko ang salitang

limot.

Sapagkat sa mga ganitong

panahon, sa mga araw

na kuba ako sa bagabag,

ng pag-aaral, sa bigat at taas

ng ekspektasyon nila sa akin;

kinaiinggitan ko ang mga kaibigang

may katulad mo na nahihingan

ng pang-unawa at payo.


Sa panahong kailangan ko

ng iyong kalinga,

hiling ko'y nandito ka,

upang madama ko sana

ang mga nakaligtaang haplos at yakap.

Nais ko malamang nandiyan ka;

hinahanap-hanap kita,

kailangan ko ng Ina.


*Ofelia